Home Entertainment Herlene ‘Hipon Girl’ Budol namulat sa katotohanan na hindi panghabang buhay ang...

Herlene ‘Hipon Girl’ Budol namulat sa katotohanan na hindi panghabang buhay ang showbiz

Maagang na-realize ni Herlene ‘Hipon Girl’ Budol ang mapait na katotohanan ng pag-aartista.

Noong una ay inakala umano ni Herlene na pang habang buhay na ang showbiz.

Ngunit ilang taon lamang ang lumipas ay saka siya namulat na hindi ito pang habang panahon.

Napaiyak ang TV host-comedienne habang binabalikan ang matinding pagsubok na pinagdaanan niya at ng kanyang pamilya noong kasagsagan ng lockdown sa panayam ni Toni Gonzaga.

Sinabi ni Herlene na “back to zero” sila sa pera nang matigil sa trabaho dahil sa mga ipinatupad na lockdown.

Ayon sa TV host-comedienne, tinipid niya ang sarili para nakapag-ipon kahit kaunti na umabot sa P100,000 noong napapanood pa siya sa “Wowowin.” Pero naubos din dahil sa pagtustos sa gastusin sa kanilang bahay.

“Inipon ko lang. Buti na lang nag-ipon ako, kung hindi patay kaming mga pamilya ko dahil sa pandemic,” ani Hipon.

Sinabi ni Herlene na bukod sa pangangailangan sa bahay, siya rin ang nagbabayad ng kuryente at gamot ng kanilang lolo’t lola.

Umiiyak ako araw-araw. Dumating ako sa point na parang ayoko na. Ayoko nang magpakita sa pamilya ko. Nahihiya ako,” ani Herlene.

Dalawang taon pa lamang si Herlene sa entertainment industry, pero naranasan niya agad ang masakit na katotohanan.

Aniya, “Totoo yung sinasabi, hindi habambuhay yung sa TV ka. Dalawang taon pa lang ako, tingnan mo, wala na kaagad.”

“Ang hirap, ang hirap din umasa. Naging kampante din kasi po ako, ‘Uy, baka sa susunod meron na ako.’

“May kumuha sa akin iba kapag tinanggal ako dito… zero totally.”

Kaya naman nasabi niya na parang mas okay pa raw noong simple lang ang buhay niya dahil hindi siya nawawalan ng raket.