Home Entertainment Alkalde ng Antipolo, ipinaliwanag kung bakit 1,000 pesos lang ang natanggap ng...

Alkalde ng Antipolo, ipinaliwanag kung bakit 1,000 pesos lang ang natanggap ng ilang pamilya sa kanilang nasasakupan

Viral sa social media ang unang araw ng pamimigay ng ayuda sa Antipolo City dahil may ilang nagreklamo na isang libong piso lamang ang natanggap nila kahit na sobra sa isa ang miyembro ng kanilang pamilya.

Sa isang Facebook post, ipinaliwanag ni Mayor Andeng Ynares kung bakit ganoon kaliit lamang ang nantanggap ng ilang pamilya sa kanilang nasasakupan.

Ayon sa alkalde ay nakabase ang ipinapamigay na ayuda sa listahan na ibinahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

“Nabalitaan po natin na sa unang araw ng pamamahagi ng ayuda mula sa ating national government, ay may mga pamilya na dapat ay tumanggap ng mahigit sa kanilang actual na halagang tinaggap. Halimbawa po, may pamilya na tumanggap ng isa o dalawang libo pero dapat po ay tatlo o apat na libo. Ang payroll po ay nakabase sa listahan na ibinaba ng DSWD kasama ang bilang ng miyembro ng pamilya,” ani Ynares.

Hinikayat niya naman ang mga tao na imbis na sa social media magreklamo ay sa LGU mismo pumunta upang maaksyunan daw nila ang hinaing ng mga tao.

“Nauunawaan po namin kayo ngunit hinihikayat po namin na bukod sa FB, tayo din ay pormal na mag hain ng apela sa binuo na GRIEVANCE COMMITTEE na naka-assign mismo sa mga payout sites (hindi na po kayo lalayo) upang mabigyan ng kaukulang aksyon ang inyong hinaing sa oras na yun. KUNG tayo po ay hindi pormal na mag a-apela sa GRIEVANCE COMMITTEE sa mismong venue ng pay out, mahihirapan po kaming malaman ang mga pagkukulang ng ilang mga tauhan ng pamahalaan at mahihirapan na maipaabot po sa inyo ang nararapat na halaga na para po sa inyo,” pakiusap ng alkalde.

Matatandaan na nitong Miyerkules ay madami ang nagpost na mga netizens mula Antipolo upang ipakita ang ayuda na kanilang natanggap.

Umabot ng mahigit 50,000 shares sa social media ang post ni netizen Arlene Borromeo kung saan ay ibinalita niya na pito sila sa kanilang pamilya ngunit 1,000 lamang ang kaniyang natanggap.

May mga taga Antipolo din nakatanggap lamang ng 1,000 ngunit naitago pa ang kanilang form mula sa Social Amelioration Fund (SAP) upang patunayan na mahigit isa sila sa kanilang pamilya.

May mga taga Antipolo naman na sinasabi na may mga nangialam ng kanilang form na pinirmahan para ilagay na isa lamang ang miyembro sa kanilang pamilya.

“Yung nag aasikaso sa kanya dun sa payout po naglagay niyan,” sabi ni netizen Di Vi Na.

Hindi pa nagbibigay ng panibagong pahayag ang LGU ng Antipolo tungkol dito.

Sa ngayon ay inaasahan na maglalabas na ng pahayag ang gobyerno tungkol sa nangyayari sa Antipolo.